Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) Region 2 laban sa mga sangkot sa sunod-sunod na aksidente sa Rehiyon Dos at inatasang magtungo sa kanilang tanggapan upang magpaliwanag kung paano naganap ang mga insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Venancio Tuddao, sinabi nitong pansamantalang sususpindihin ng 90 araw ang lisensya ng mga sangkot habang isinasagawa ang imbestigasyon. Aniya, administrative case ang hinahawakan ng LTO, samantalang ang criminal aspect ng mga insidente ay saklaw ng Philippine National Police (PNP).
Binigyang-diin ni Tuddao na kapag napatunayang may reckless driving, maaari itong magresulta sa tuluyang pagbawi o revocation ng lisensya ng driver.
Kabilang sa mga nabigyan ng show cause order ang isang vlogger sa Tuguegarao City na nag-viral matapos mag-post ng video ng umano’y pagda-drift sa rotunda ng lungsod. Ito na umano ang ikalawang paglabag ng nasabing indibidwal at na-impound na rin ang ginamit nitong sasakyan matapos mapag-alamang hindi ito rehistrado.
Mayroon na ring inilabas na show cause orders kaugnay sa iba pang aksidente sa Isabela, kabilang ang banggaan ng jeep at truck sa Luna, gayundin ang insidente sa Ilagan City na sangkot ang isang bata at isang truck.











