CAUAYAN CITY- Mahigpit na tututukan ng Public Order and Safety Division ang mga kalsada sa Lungsod ng Cauayan na kadalasang nakararanas ng mabigat na daloy ng trapiko ilang oras bago ang pagsalubong ng bagong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na nakaantabay buong araw ang kanilang hanay upang masiguro na maging maayos ang daloy ng trapiko sa lungsod lalo na at dagsaan ang mga mamimili sa lungsod.
Aniya, bagama’t mayroong pagbigat sa daloy ng trapiko ay nasisiguro naman niya na umuusad ito dahil mayroon namang mga itinalang alternate route.
Dahil mula pa sa mga karatig na bayan ng Cauayan City ang mga mamimili ay nagkakaroon minsan ng problema sa paradahan.
Dahil dito ay nananawagan siya sa mga motorista na magbigayan sa paradahan at daan upang walang maging aberya sa pagsalubong ng bagong taon.