--Ads--

Isinagawa sa lungsod ng Cauayan ang isang seminar-workshop na nakatuon sa pagpapalakas ng early childhood education, na dinaluhan ng mga guro at educators mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Prof. Dr. Leticia Aquino, Seminar-Workshop Project Leader, layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga guro sa pagtuturo sa mga batang nasa maagang yugto ng edukasyon. Dagdag pa niya, nagmula sa iba’t ibang lugar ang mga kalahok kabilang ang Batanes, Alicia, at Tuguegarao, na nagpapakita ng malawak na suporta sa naturang inisyatiba.

Samantala, binigyang-diin naman ni Dr. Ricmar Aquino, Commissioner ng Commission on Higher Education, ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay ng mga guro, lalo na sa early childhood education. Aniya, dapat itong pagtuunan ng pansin sapagkat dito nahuhubog ang pundasyon ng kaalaman at pag-unlad ng mga bata.

Sa panig naman ng mga guro, aminado ang ilan na hindi madali ang pagtuturo sa kasalukuyang panahon. Ayon kay Ginang Reina Diane Fernandez, isang guro mula Alicia, malaki ang naitutulong ng mga ganitong seminar upang mapabuti ang kanilang pamamaraan sa pagtuturo at mas maunawaan ang pangangailangan ng mga mag-aaral.

--Ads--

Umaasa ang mga organizer na sa pamamagitan ng ganitong mga programa ay mas mapapalakas pa ang kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan sa bansa.