--Ads--

Muling kinalampag ng mga magsasaka ang pamahalaan dahil sa mabagal na pag-aksyon sa tumataas na presyo ng petrolyo at ang kakulangan ng tulong para sa sektor ng agrikultura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers (FFF), sinabi niya na doble na ang pagtaas ng gastos sa petrolyo, dahilan upang mas mabigat ang pasanin ng mga magsasaka at mangingisda sa Pilipinas. Aniya, nararapat lamang na doblehin din ng pamahalaan ang ibinibigay na fuel subsidy upang mas matulungan ang dalawang sektor sa pagharap sa tumataas na gastusin sa produksyon at transportasyon ng mga produkto.

Aniya, ang kasalukuyang inilaang pondo ng gobyerno na tig-₱3,000-₱5,000 bawat magsasaka at mangingisda para sa fuel subsidy ay hindi sapat at hindi akma sa dami ng mga naapektuhang manggagawa sa dalawang sektor. Ipinunto niya na ito ay maliit lamang kumpara sa milyun-milyong magsasaka at mangingisda sa buong bansa na patuloy na nagdaragdag ng gastusin dahil sa mataas na presyo ng gasolina at diesel na direktang nakaapekto sa operasyon ng mga sakahan at bangka.

Dagdag pa ni Montemayor, ramdam na rin nila ang pagtaas ng presyo ng farm inputs, partikular na ang abonong UREA, na isa sa pangunahing ginagamit ng mga magsasaka. Ayon sa kanya, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga inorganic at synthetic fertilizers, mas nagiging mabigat ang gastos sa produksyon ng mga ani.

--Ads--

Dahil dito, iminungkahi ni Montemayor sa mga kasapi ng FFF at iba pang magsasaka ang paggamit ng mga organic o bio-fertilizer bilang alternatibo sa mamahaling synthetic fertilizers. Aniya, bagamat nangangailangan ito ng mas mahabang panahon upang maging epektibo, makakatulong ito sa pagbawas ng gastusin sa pag-aalaga ng lupa at pagpapanatili ng ani.

Nanawagan din ang grupo na pabilisin ng pamahalaan ang pagreporma sa mga umiiral na programa para sa agrikultura, kabilang ang pagpapakawala ng mas malaking pondo para sa fuel subsidy, mas madaling pautang sa mga magsasaka at mangingisda, at mas aktibong suporta sa mga lokal na produktong agrikultural upang hindi gaanong maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga inputs.

Samantala, tiwala ang Federation of Free Farmers na walang mararanasang kakulangan sa supply ng bigas sa bansa, sa kabila ng pahayag ng ilang rice millers na nauubusan na sila ng buffer stock. Ayon kay Montemayor, kasalukuyan na ang anihan ng mga magsasaka at magkakaroon na muli ng maiimbak na palay sa mga bodega. Dahil dito, hindi pa nakikita ng FFF ang pangangailangan para sa rice importation ng pamahalaan.

Giit niya, ang presyo ng palay ang dapat bantayan ng pamahalaan, hindi ang supply, dahil maaring sa kalagitnaan ng anihan ay bumaba na ang presyo nito sa merkado, na maaaring makaapekto sa kita ng mga magsasaka. Aniya, mas makabubuti na suportahan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng tamang presyo at subsidiya kaysa mag-import ng bigas na posibleng magpababa sa halaga ng ani sa lokal na merkado.

Dagdag pa niya, dapat pabilisin ng pamahalaan ang mga programa para sa agrikultura, kabilang ang pagpapalawig ng fuel subsidy, mas madaling pautang para sa mga magsasaka at mangingisda, at suporta sa lokal na produksiyon upang matugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng petrolyo at inputs sa kabuhayan ng dalawang sektor.