--Ads--

Itinuturing ng Commission on Audit (COA) na may pananagutan si Vice President Sara Duterte at dalawa pang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay ng mahigit ₱73 milyong confidential fund expenses na hindi pinayagan ng ahensya noong 2022.

Sa ika-14 na araw ng impeachment trial, sinabi ni COA auditor Xylene Mae del Campo na kabilang sa mga responsable si Duterte bilang pinuno ng OVP, kasama sina Special Disbursing Officer Gina Acosta at Chief Accountant Julieta Villadelrey.

Ayon kay Del Campo, saklaw ng Notice of Disallowance ang higit ₱73 milyon mula sa ₱125 milyong confidential funds ng OVP. Kabilang dito ang ₱69.7 milyon para sa mga reward payment at pagbili ng iba’t ibang kagamitan at gamot na umano’y walang sapat na dokumentasyon upang patunayang ginamit sa information-gathering o surveillance operations.

Hindi rin pinayagan ng COA ang ₱3.5 milyon na ginastos sa pagbili ng mga mesa, upuan, desktop computer at printer dahil hindi napatunayang may kaugnayan ang mga ito sa confidential operations.

--Ads--

Dagdag pa ng auditor, may mga gastusing isinama sa liquidation report ng OVP na ginawa noong Disyembre 13 hanggang 18, 2022, bago pa man matanggap ng tanggapan ang ₱125 milyong confidential fund noong Disyembre 21, 2022.

Binanggit din ni Del Campo na hindi kabilang sa mga pinahihintulutang paggagamitan ng confidential funds ang mga aktibidad gaya ng youth patriotism campaign, Christmas activities, at thanksgiving gathering.