Mahigit 10,000 na tanim na marijuana na may tinatayang halagang mahigit ₱20 milyon ang nadiskubre at sinira ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa isinagawang operasyon sa bulubunduking bahagi ng Sitio Gunot, Barangay Kimbutan, Dupax del Sur, Nueva Vizcaya nitong Martes, March 17, 2026.
Ayon sa ulat ng Dupax del Sur Police Station, nagsimula ang marijuana eradication operation bandang alas-3 ng madaling araw.
Sa isinagawang beripikasyon sa lugar, nakumpirma ang presensya ng mga ganap nang tumubong halaman ng marijuana na itinanim sa nasabing lugar.
Sinabi ng mga awtoridad na unang naiulat ng mga residente sa pulisya ang naturang plantasyon, kaya agad silang nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency bago isagawa ang operasyon.
Sa kabuuan, tinatayang nasa 10,311 na marijuana plants ang nabunot at sinira sa lugar.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga nasa likod ng ilegal na plantasyon.











