--Ads--

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mahigit 12 milyong Pilipino na sa buong bansa ang nakinabang sa programang “Benteng Bigas, Meron Na!” na naglalayong makapagbigay ng abot-kayang bigas sa mga sektor na higit na nangangailangan.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, sinabi ng Pangulo na patuloy na ipinatutupad ng pamahalaan ang programa upang makatulong sa mga pamilyang apektado ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, minimum wage earners, mga tsuper ng pampublikong sasakyan, indigent families, at mga rehistradong magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Marcos, mahigit 26,000 metriko tonelada ng bigas na ang naipamahagi ng pamahalaan na nakinabang ang mahigit 2.5 milyong pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

--Ads--

Dagdag pa niya, magpapatuloy ang programa hanggang sa umabot sa walong milyong pamilya ang matutulungan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pamamahagi ng murang bigas.

Bukod dito, sinabi rin ng Pangulo na halos dalawang milyong magsasaka at mangingisda ang nabigyan ng suporta sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) sa panahon ng mataas na presyo ng langis.

Umaasa ang administrasyon na sa pamamagitan ng mga programang ito ay mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin at mapalakas ang kabuhayan ng mga pamilyang Pilipino.