--Ads--

‎Nakahanda na ang mahigit 30 delegado mula sa Schools Division Office (SDO) ng Batanes para sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2026 matapos ang ilang buwang masinsinang paghahanda. ‎ ‎

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Arnulfo Anselm Hortiz, Education Program Supervisor at Division Sports Officer ng SDO Batanes, nagsimula ang kanilang preparasyon dalawang buwan na ang nakalipas sa pamamagitan ng school-based training na sinundan ng in-house training na tumagal ng ilang linggo. ‎ ‎

Dagdag ni Hortiz, dinala rin nila ang kanilang mga atleta sa Santiago City upang masanay sa aktuwal na venue ng kompetisyon, kabilang ang rubberized track oval na kaiba sa lupang ginagamit sa Batanes, upang mas maihanda ang mga ito sa kondisyon ng palaro. ‎

‎Sinabi rin ni Hortiz na nakatuon ang kanilang delegasyon sa mga individual sports gaya ng athletics at sa team event na basketball 3×3. May kabuuang 37 atleta ang kanilang koponan ngayong taon, na mas mababa ng lima kumpara noong nakaraang edisyon. ‎

‎Ibinahagi pa ni Hortiz na nakapagtala ang kanilang delegasyon ng apat na gintong medalya noong 2023 at walong ginto noong 2024, subalit noong 2025 ay hindi sila nakakuha ng ginto bagamat nagkaroon sila ng dalawang qualifiers para sa Palarong Pambansa. ‎ ‎

Sa kabila nito, nananatili aniyang determinado ang kanilang mga atleta na makabawi ngayong taon, kasabay ng mahigpit na pagsasanay kung saan gumigising ang mga ito ng alas-4:30 ng madaling araw para sa kanilang morning exercises bago magtungo sa training venue. ‎ ‎

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Hortiz sa patuloy na suporta ng mga Ivatan sa kanilang delegasyon, kasabay ng panawagan na ipagpatuloy ang pagtitiwala sa kakayahan ng kanilang mga atleta. ‎ ‎ ‎

‎Samantala, ibinahagi ni Hanz Thierney Gato, isa sa mga atletang dati nang nakaabot sa Palarong Pambansa, na mas pinaigting ang kanilang paghahanda ngayong taon at bagamat may nararamdamang pressure dahil sa matitinding kalaban, patuloy pa rin silang nagbibigay ng kanilang makakaya sa training. ‎ ‎

Hinimok din ni Gato ang kapwa kabataan na huwag sumuko sa kabila ng mga pagkatalo at patuloy na magsanay upang maabot ang kanilang mga pangarap sa larangan ng sports. ‎ ‎Ayon naman kay Bryan Joseph Giron, mas naging maayos at epektibo ang kanilang preparasyon ngayong taon dahil mas mahaba ang panahong inilaan para sa training kumpara noong nakaraan, na nagbigay-daan upang mas makapagpokus ang mga atleta. ‎

Samantala, nagsisilbing inspirasyon din sa delegasyon ang batang atleta na si Kheannah De Guzman, 11 taong gulang at kalahok sa track events. ‎ ‎Ibinahagi ni Kheannah na ang kanyang ama at coach ang naging pangunahing inspirasyon niya sa pagsali sa athletics, at nagsimula siyang sumabak sa kompetisyon noong siya ay nasa Grade 4 pa lamang. ‎ ‎

Ayon pa kay Kheannah, hindi siya agad nakapasok sa CAVRAA noon dahil sa kakulangan sa edad, ngunit ngayon ay natupad na rin ang kanyang hangarin na makasali sa naturang kompetisyon. ‎ ‎

Bilang panganay sa tatlong magkakapatid, umaasa si Kheannah na maipagmamalaki ang kanyang pamilya at makapagbibigay ng karangalan sa kanilang lalawigan. ‎ ‎Samantala, ganito ang bahagi ng pagpapahayag. ‎

Inaasahan namang magbibigay ng matinding laban ang SDO Batanes sa CAVRAA Meet 2026, dala ang kanilang disiplina, determinasyon, at inspirasyong magsilbing huwaran sa kapwa kabataan.