Nananatiling stranded ang mahigit 5,600 tripulanteng Pilipino sakay ng daan-daang commercial at cruise vessels sa Persian Gulf at Gulf of Oman dahil sa pagkaantala ng maritime traffic na dulot ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran malapit sa Strait of Hormuz.
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na kabilang ang mga Pilipino sa tinatayang 20,000 international seafarers na naapektuhan ng mga operational restrictions sa rehiyon.
Ayon sa ahensya, nasa 1,100 tripulante na ang nailikas mula sa Persian Gulf sa pamamagitan ng koordinasyon sa iba’t ibang commercial vessels at cruise ships.
Patuloy ding mino-monitor ng DMW ang kalagayan ng mga barkong may sakay na mga Pilipino upang matiyak na mayroon silang sapat na pagkain, inuming tubig, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan habang nananatili sa dagat.
Inatasan na rin ng ahensya ang mga licensed manning agencies na regular na magsumite ng ulat hinggil sa sitwasyon ng mga marino at tiyaking hindi sila magkukulang sa mahahalagang suplay.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga dayuhang gobyerno, shipowners, at iba pang stakeholder upang mapag-aralan ang posibleng repatriation ng mga Pilipinong tripulante.
Gayunman, may ilang shipowners na umano’y nag-aatubiling payagang makababa ang kanilang mga crew dahil sa pangambang magkulang ang tauhan ng mga barko habang nagpapatuloy ang kanilang biyahe.











