--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa apat na libo at pitong Overseas Filipino workers (OFW) mula sa Rehiyon 2 ang napauwi ng Overseas worker welfare Administration (OWWA) region 2 sa pamamagitan ng kanilang hatid sundo o uwian na program mula noong ika-21 ng Mayo hanggang buwan ng Hulyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Welfare Officer Luzviminda Tumaliuan ng OWWA region 2, sinabi niya na 1,192 na OFW’s na ang napauwi sa Lalawigan ng Cagayan, 1,806 sa Lalawigan ng Isabela, 469 sa Nueva Vizcaya, 186 sa lalawigan ng Quirino, 25 sa Batanes at 329 sa Cordillera Administrative Region.

Aniya, mahigpit pa ring ipinapatupad ng OWWA ang health protocols sa mga OFW na umuuwi at agad na kinukunan ng SWAB samples sa tanggapan ng Bureau of Immigration.

Didiretso ang mga OFW sa nakatalagang help desk ng OWWA para maaccomodate sa tutuluyang hotel na naitalagang Quarantine Facility habang naghihintay ng resulta ng SWAB test.

--Ads--

Ang Bureau of Quarantine naman ang nakatalagang mangasiwa at kumuha sa mga OFW na nagpopositibo sa COVID-19 habang ang mga OFW na nasa Quarantine Facility na negatibo ang resulta ay papauwiin sa kani-kanilang mga probinsiya.

Tinig ni Regional Welfare Officer Luzviminda Tumaliuan.

Samantala, kabilang rin sa tinututukan ng OWWA REGION 2 ang mass repatriation of human remains ng mga OFW na nasawi dahil sa COVID-19 sa Saudi Arabia.

Ito ay bilang tugon ng pamahalaan na mapauwi ang mga OFW na nasawi dahil sa COVID-19 at iba pang karamdaman sa kasagsagan ng pagpapatupad ng lockdown noong buwan ng Marso hanggang buwan ng Hunyo sa nasabing bansa.

Tiniyak ni Regional Welfare Officer Tumaliuan na sumusunod sa mga kaukulang panuntunan ng IATF ang OWWA sa pagproseso sa labi ng mga OFW na nasawi dahil sa COVID-19.

Aniya, pagdating ng Pilipinas ay agad na kukunsultahin ng OWWA Region 2, katuwang ang DILG, DSWD at MHO ang pamilya ng nasawing OFW para sa consent of Cremation na nagbibigay ng pahintulot na maisailalim sa Cremation sa kalakhang Maynila ang labi ng nasawing OFW.

Tinig ni Regional Welfare Officer Luzviminda Tumaliuan.

Pinayuhan naman ng OWWA region 2 ang mga OFW na nakakaranas ng pagmamaltrato ng kanilang mga Amo na nagnanais na ring makauwi ng bansa na makipag ugnayan lamang sa tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office o di kaya ay sa mismong tanggapan ng OWWA o migrant desk upang mapasama sila sa programa ng pamahalaan na mass repatriation.