--Ads--

Binuksan ni King Charles III sa publiko ang isang dating pribadong bahagi ng kanyang Sandringham Estate sa Norfolk, England matapos gawing atraksyon ang halos 150 taong gulang na Water Tower.

Ang nasabing tore, na itinayo noong 1877 upang magsuplay ng malinis na tubig sa Royal Family, ay isinailalim sa malawakang restorasyon at ngayon ay maaaring tuluyan ng mga bisitang nais maranasan ang pananatili sa loob ng isang makasaysayang gusali.

Ayon sa Sandringham Estate, ang apat na palapag na Water Tower ay may isang silid-tulugan at kumpletong pasilidad kabilang ang kusina, dining room, sala na may fireplace, king-sized bed, Wi-Fi, pribadong paradahan at enclosed garden.

Mayroon din itong elevated outdoor seating area at rooftop terrace na itinayo sa ibabaw ng orihinal na tangke ng tubig, kung saan matatanaw ang malawak na tanawin ng Norfolk countryside.

--Ads--

Dinisenyo ang tore ng engineer na si James Mansergh at kilala ito sa bilugang hugis, detalyadong brickwork at neo-Byzantine na disenyo. Matapos ang halos isang siglo at kalahati, muling binigyang-buhay ang istruktura bilang isa sa mga kakaiba at makasaysayang lugar sa United Kingdom.

Ang Water Tower ay bahagi na ngayon ng mga accommodation na maaaring rentahan sa Sandringham Estate, kasama ang iba pang property gaya ng The Folly at Gardens House.

Matatagpuan sa loob ng 20,000-acre na Sandringham Estate, ang lugar ay matagal nang kaugnay ng British Royal Family at kilalang pinagdarausan ng kanilang taunang pagdiriwang ng Pasko.