Nagsagawa ng malawakang rally ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument nitong madaling araw ng Martes, Hunyo 30.
Dahil dito, tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na handa itong magsagawa ng kaukulang aksyon laban sa sinumang mapatutunayang lumabag sa batas kaugnay ng pagtitipon.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na nakaantabay ang DOJ, katuwang ang mga law enforcement agencies at mga piskal, upang tugunan ang anumang paglabag na maaaring maganap sa mga pampublikong pagtitipon.
Nagkaroon ng tensyon sa ilang bahagi ng rally na humantong sa komosyon at pag-aresto sa apat na katao. Dalawang pulis din ang naiulat na nasugatan habang nagpapatupad ng seguridad sa lugar.
Nagdeploy na rin ang Philippine National Police (PNP) ng halos 6,000 pulis at allied security personnel sa iba’t ibang strategic areas sa Metro Manila. Kabilang sa mga binantayang lugar ang People Power Monument, EDSA Shrine, Senado, Mendiola, Ayala Bridge, US Embassy, at Liwasang Bonifacio.
Layunin ng malawakang deployment na mapanatili ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok sa rally, mga motorista, at iba pang mamamayan sa gitna ng malaking bilang ng mga nagtipon sa kahabaan ng EDSA.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga insidenteng naganap sa pagtitipon.











