Hinikayat ng isang lehitimong tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan ng mas pantay na pagpapatupad ng regulasyon laban sa mga kolorum na tricycle.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Armando Ladisla, tricycle driver, sinabi nito na ilang beses na siyang nakaranas ng sitwasyon kung saan may mga kolorum na tricycle na sumisingit sa pila at kumukuha ng pasahero kahit walang body number o franchise.
Sa isang insidente, habang nakapila siya kasama ang iba pang tricycle, sinita umano siya ng isang driver ng tricycle na walang numero at sinabing hindi roon ang kanilang pila.
Ipinaliwanag naman niya na ipinatutupad ang pila-pila system upang maging maayos at patas ang pagkuha ng pasahero ng mga tricycle driver.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga kapwa driver na magparehistro, at sumunod sa umiiral na sistema.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na pagkakakilanlan sa bawat tricycle upang madaling matukoy ang unit at driver sakaling magkaroon ng reklamo, insidente o may pasaherong makaiwan ng gamit.
Aniya, mas madali ring matutunton ang tricycle at driver kung may kailangang maibalik na gamit o may reklamo mula sa pasahero.
Nanawagan ang naturang driver sa mga kinauukulan na tiyaking pare-pareho ang pagpapatupad ng regulasyon sa lahat ng tricycle driver, kabilang ang mga kolorum, upang mapanatili ang patas at maayos na sistema ng pila.











