--Ads--

Nanawagan si Senator Loren Legarda ng mas matibay na proteksyon para sa mga mamamahayag at media workers kasabay ng paggunita sa National Press Freedom Day ngayong Agosto 30.

Binigyang-diin ni Legarda na mahalaga ang malaya at ligtas na pamamahayag upang matiyak ang karapatan ng publiko sa tama, napapanahon at mapagkakatiwalaang impormasyon.

Ayon sa senador, nananatiling hamon sa mga mamamahayag ang misinformation, disinformation at pagkalat ng mga hindi beripikadong pahayag sa social media.

Binigyang-diin din niya ang responsibilidad ng mga opisyal at institusyon ng pamahalaan na tiyaking nakabatay sa ebidensya ang kanilang mga inilalabas na impormasyon at malinaw na naihihiwalay ang alegasyon sa mga napatunayang katotohanan.

--Ads--

Nagbabala rin si Legarda laban sa trial by publicity na aniya ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa media at mga institusyon.

Kasabay nito, muling isinulong ni Legarda ang Senate Bill No. 807 o Media Workers Welfare Act na naglalayong mapabuti ang kondisyon sa trabaho, seguridad at benepisyo ng mga media worker.

Ayon sa senador, dapat mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga mamamahayag, lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga probinsya at nasa panganib na mga lugar, upang magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin sa publiko.