Nakapag-deploy na ng personnel ang Santa Maria Police Station sa iba’t ibang mga paaaralan sa bayan ng Santa Maria, Isabela para sa pagsisimula ng pasukan bukas, ika-8 ng Hunyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Precile Morales, Deputy Chief of Police ng Santa Maria Police Station, sinabi niya na hindi pa man nagsisimula ang klase ay mayroon nang naipakalat na mga kapulisan sa mga strategic areas upang matiyak ang seguridad lalo na nang magsimula ang Brigada Eskwela.
Isa naman sa mga pangunahin nilang tututukan ay ang mga estudyante o menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo papuntang eskwela. Dahil dito ay pinaalalahanan nila ang mga magulang na huwag payagan ang kanilang mga menor de edad na anak na magmaneho ng walang kaukulang dokumento dahil sila ang maitatawag sa himpilan ng Pulisya kung sakali mang mahuli ang kanilang mga anak kaugnay ng naturang paglabag maliban pa sa ibibigay na citation ticket.
Samantala, patuloy ang mga ginagawang hakbang ng Santa Maria Police Station upang mapanatili ang pagiging drug cleared Municipality ng Santa Maria.
Ngayong pasukan ay magsasagawa rin aniya sila ng school visitation upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataan at mailayo ang mga ito ilegal na droga.
Maliban sa maigting na kampanya kontra ilegal na droga ay mayroon din silang tinatawag na Project MARIA na pumuprotekta sa mga kababaihan laban sa sekswal na pang-aabuso katuwang ang local government unit, religious sector at mga barangay officials.











