Humiling ang grupo ng pampublikong transportasyon sa pamahalaan na magtakda ng mas makatarungang pamantayan sa pagbibigay ng ayuda, lalo na sa mga panahon ng patuloy na oil price hike, partikular na ang halaga ng per barrel ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, ang convenor ng National Public Transport Coalition, binanggit niya na ang kasalukuyang ginagamit na pamantayan ng gobyerno, partikular na ng Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF), ay ang presyo ng petrolyo na umaabot sa $80 kada bariles.
Ayon kay Lim, ang pamantayang ito ay ginagamit sa pagbuo ng mga hakbang upang magbigay ng ayuda sa mga pampublikong transportasyon at sa mga mamamayang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Iminungkahi ni Lim na ibaba ang pamantayan sa $70 kada bariles dahil sa patuloy na sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo na may malaking epekto sa sektor ng pampublikong transportasyon at sa mga konsyumer. Ayon pa sa kanya, hindi na akma ang kasalukuyang pamantayan, lalo na’t mabilis ang pagbabago ng presyo sa pandaigdigang merkado, kaya’t kinakailangang i-update ito upang tugunan ang mga pangangailangan ng sektor.
Pinasalamatan din ni Lim ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa patuloy nilang pakikipag-ugnayan at pagtulong sa mga tsuper at operator upang matugunan ang mga isyung kinakaharap nila, tulad ng kakulangan sa ayuda at suporta mula sa gobyerno. Gayunpaman, nanawagan siya sa DOE at DOF na pabilisin ang kanilang aksyon at pagtugon sa mga isyung ito.
Ayon kay Lim, patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, at ito ay nagpapalala ng sitwasyon para sa mga tsuper, operator, at mamamayan. Dahil dito, hiniling niya na magpatuloy ang gobyerno sa agarang pag-audit at pag-adjust ng mga ayuda, upang maiwasan ang karagdagang pasanin sa mga sektor ng transportasyon at komunidad.
Nanawagan din si Lim kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na personal na bigyang pansin ang kalagayan ng mga tsuper, na siya aniyang nangunguna sa pagtulong sa publiko sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.
Babala ni Lim, kung hindi ito maaksyunan, posibleng humantong sa isang malawakang transport strike, na hindi lamang magdudulot ng kaguluhan sa sektor ng transportasyon kundi makakaapekto rin sa mga pasahero at sa buong ekonomiya.










