--Ads--

CAUAYAN CITY – Dumadaing ang mga motorista sa matinding trapiko na nararanasan tuwing alas kwatro hanggang alas syete ng umaga sa pribadong pamilihan dahil sa double parking na mga sasakyan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose Lacar, tricycle driver, sinabi niya na hirap silang mga motorista na sumiksik sa daan dahil may mga malalaking sasakyan na nagdidiskarga ng mga produkto.

Kadalasan tuwing alas kwatro ng madaling araw nag-uumpisa ang matinding daloy ng trapiko dahil may mga nakahintong sasakyan sa gitna ng daan para magdiskarga.

Bukod dito ay may mga nagbebenta rin ng mga gulay sa daan o ang mga tinatawag na street vendors, na nakaaapekto rin sa daloy ng trapiko.

--Ads--

Alas syete naman ng umaga siksikan Ang mga sasakyan dahil maraming mga estudyante at nagtatrabaho ang bumibyahe.

Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Cesar Timbang, Public Order and Safety Division utility worker na nakatalaga sa lugar, sinabi niya na pinahihintulutan ang mga truck na magdiskarga ngunit may palugit ang mga ito.

Dahil sa hindi maiiwasang loading at unloading sa palengke ay may palugit na limang minuto ang mga sasakyan na nagdidiskarga ng mga produkto.

Sa pangangasiwa ni Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, patuloy pa rin nilang sinusolusyonan ang trapiko sa nasabing Lugar at sa katunayan ay mahigpit nilang ipinapatupad ang truck ban at may oras lamang na pwedeng dumaan Ang mga truck sa palengke.

Gayunman ay may mga ilan pa ring pasaway na dumadaan kaya nag i-isyu sila ng ticket.

Sinabi rin nito na alas sais ng umaga ay nakaalis na Ang mga street vendors kaya hindi na sila nakaaapekto sa daloy ng trapiko.