--Ads--

Pansamantalang inadjust ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (HPG) Isabela ang kanilang deployment schedule, kasabay ng patuloy na matinding init ng panahon sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi niya na layunin ng hakbang na ito na maprotektahan ang kalusugan ng kanilang mga personnel na araw-araw na naka-deploy sa mga pangunahing kalsada.

Sa bagong deployment setup, inilipat ang ilang duty hours sa mas malamig na oras ng umaga at hapon, habang iniiwasan ang matinding exposure sa init tuwing tanghali.

Ito ay upang masigurong nasa maayos na kondisyon ang mga tauhan ng HPG habang patuloy na ginagampanan ang pagbabantay at pagmamando sa daloy ng trapiko sa lalawigan.

--Ads--

Giit ni PMaj. Bagayao, mas inuuna nila ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang personnel dahil kapag nasa maayos na kondisyon ang mga ito ay mas mabilis at mas epektibo ang pagtugon sa anumang insidente sa kalsada.

Tiniyak din ng HPG Isabela na sa kabila ng adjustment sa iskedyul, mananatili ang kanilang presensya sa mga highway upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at maayos na daloy ng trapiko.

Patuloy ang paalala sa publiko na mag-ingat sa biyahe, sumunod sa batas-trapiko, at maging alerto lalo na sa matinding init ng panahon.