Pabor ang ilang meat vendors sa pagpapatupad ng mas mahigpit na pagkatay ng mga baboy sa mga barangay ng Cauayan City, bilang bahagi ng mga hakbang upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever o ASF sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jimmy Marcelo, isang meat vendor, sinabi nitong makatutulong ang naturang direktiba hindi lamang sa pagpapanatili ng mas maayos na proseso ng pagkatay ng mga baboy, kundi maging sa kanilang hanapbuhay bilang nagbebenta ng karne.
Ayon kay Marcelo, nagiging mas mura umano ang bentahan ng karne kapag ang mga baboy ay kinakatay sa labas ng itinakdang slaughter facility.
Nakikita naman niya bilang magandang hakbang ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran upang masiguro na dumaraan sa tamang proseso ang mga baboy na nakalaan para sa pagkakatay.
Para kay Marcelo, mas magiging maayos ang sistema kung susunod ang mga nag-aalaga at nagbebenta ng baboy sa itinakdang proseso bago maibenta ang karne sa mga mamimili.
Samantala, sa ilalim ng Executive Order No. 69 series of 2026, pansamantalang ipinagbabawal ang backyard slaughtering ng mga baboy para sa personal o commercial na layunin sa loob ng Cauayan City.
Ang mga baboy na nakalaan para sa pagkakatay ay kinakailangang iproseso sa City Abattoir.
Kasama rin sa kautusan ang pansamantalang pagbabawal sa pagbebenta ng pork at pork products sa pamamagitan ng ‘pauraga’ at mobile vendors sa loob ng territorial jurisdiction ng Cauayan City.
Inilabas ang kautusan matapos iulat ng City Veterinary Office ang outbreak ng ASF sa isang bayan sa Isabela, na ayon sa kautusan ay nagdudulot ng banta sa hog industry ng lungsod.
Inatasan din ang mga opisyal ng barangay na agad makipag-ugnayan sa City Veterinary Office at mag-ulat ng anumang hindi maipaliwanag o biglaang pagkamatay ng mga baboy sa kanilang nasasakupan.











