--Ads--

Suportado ng isang Journalism Professor ang hakbang ng ilang telecommunications companies na harangin ang access sa mga video na naglalaman ng mararahas na content kasunod ng kumalat na body camera footage ng suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, Professor ng Department of Journalism sa UP Diliman College of Media and Communication, sinabi nito na maituturing na isang uri ng “responsible gatekeeping” ang ginawang pagba-block ng mga telco sa naturang mga video upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng mga nilalamang maaaring makasama sa publiko.

Nanawagan din si Arao sa Meta, ang kumpanyang nagpapatakbo ng Facebook, na huwag nang pahintulutang maipalabas o maipublish pa ang naturang footage dahil isa itong uri ng karahasan na hindi nakatutulong sa maayos na paghubog ng kamalayan ng publiko.

May mensahe rin siya sa ilang media organizations at content creators na patuloy na nagpapakalat o tumatangkilik sa naturang video na itigil na ito dahil may mga paraan aniya ng pagbabalita na hindi kinakailangang gawing sensational ang insidente.

--Ads--

Binigyang-diin ni Arao na hindi na dapat tinatangkilik ng publiko ang video dahil maaari itong magbigay ng ideya sa ibang tao, lalo na sa mga kabataan, na maaaring tularan ang ganitong uri ng krimen.

Ayon pa sa kanya, mahalagang paigtingin ang media literacy, media education at critical thinking ng mga kabataan upang hindi sila madaling maimpluwensiyahan ng mararahas na content online at upang makatulong sa pag-iwas sa online grooming at iba pang hindi katanggap-tanggap na gawain.

Samantala, sinabi ni Arao na may punto ang inilabas na pahayag ng grupong Data and AI Ethics Philippines na nagsasabing kinakailangan ng court order para sa pagtatanggal ng online content alinsunod sa Cybercrime Prevention Act.

Gayunman, sinabi niya na sa mga sitwasyong may malinaw na banta o agarang panganib sa publiko, maaaring pairalin ang sense of urgency sa pansamantalang pagpigil sa pagkalat ng content habang isinasagawa ang mga kinakailangang legal na proseso at pagpapaliwanag sa naging hakbang.