Ipinahayag ni Senator Imee Marcos ang kanyang suporta sa pagpapaliban ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), at iginiit na mas makabubuting ilaan na lamang ang pondo para sa mas agarang pangangailangan ng bansa.
Ayon sa senadora, ang tinatayang ₱16 bilyong pondo para sa halalan ay maaaring i-realign upang tugunan ang krisis sa langis at pondohan ang iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin din ni Marcos na mas mahalaga ang pagpapatuloy ng serbisyo sa mga barangay kaysa sa anumang usaping pampulitika, lalo na sa gitna ng mga kasalukuyang hamon sa ekonomiya.
Matatandaang ilang ulit nang naantala ang BSKE sa mga nakalipas na taon, kabilang ang paglipat nito mula Disyembre 2023 patungong Oktubre 2023, bago muling itinakda sa 2026.
Sa kasalukuyan, nananatiling mataas ang presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin dahil sa mga tensyon sa Middle East, na nagiging dahilan ng panawagan ng ilang mambabatas para sa pag-realign ng pondo patungo sa mas agarang programa ng gobyerno.









