Nagbabala ang Presidential Communications Office (PCO) at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Meta Platforms Inc. kaugnay ng patuloy na pagkalat ng fake news sa mga platform nito gaya ng Facebook.
Sa liham ng dalawang ahensya, inaatasan ang Meta na paigtingin ang pagbabantay at aksyon laban sa maling impormasyon na nagdudulot ng takot at kalituhan sa publiko.
Binigyan ang kumpanya ng 48 oras upang kumpirmahin ang pagtanggap ng liham at pitong araw upang magsumite ng konkretong plano kung paano nito tutugunan ang problema.
Ayon sa DICT at PCO, kung hindi sapat ang magiging aksyon ng Meta, maaari itong maharap sa mga legal at regulatory measures sa pakikipag-ugnayan sa Department of Justice at iba pang ahensya.
Iginiit ng pamahalaan na mas tumitindi ang epekto ng fake news sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin.
Kabilang sa mga binabantayan ang mga pekeng ulat tungkol sa kalusugan ng pangulo, maling impormasyon sa presyo at suplay ng langis, at panlilinlang na may kinalaman sa bangko at ekonomiya.
Paalala ng gobyerno na ang ganitong gawain ay maaaring lumabag sa Cybercrime Law at iba pang umiiral na batas.











