--Ads--

Nagpahayag ng pagtutol si Senador Erwin Tulfo sa mga kumakalat na usapin hinggil sa umano’y planong pagpapalit ng liderato sa Senado upang mapigilan ang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon kay Sen. Tulfo, magiging malaking kahihiyan para sa Senado kung magkakaroon ng “kudeta” o biglaang pagpapalit ng pamunuan ng Mataas na Kapulungan habang nakaamba ang impeachment trial.

Aniya, mahihirapan ipaliwanag sa publiko ang anumang hakbang na magdudulot ng pagbabago sa liderato ng Senado kasabay ng isyung impeachment.

Giit ng senador, hindi dapat gamitin ang usapin ng liderato upang maantala o mapigilan ang nakatakdang constitutional process ng impeachment.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na dapat hayaang umusad ang paglilitis upang mabigyan ng pagkakataon ang kampo ni Duterte na sagutin ang mga paratang laban sa kanya at lumabas ang katotohanan sa tamang proseso.

Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na agad na aaksyon ang Senado sa sandaling matanggap nito ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives, ngunit kinakailangan pa rin ng preparasyon bago pormal na magsimula ang paglilitis.

Samantala, sinabi rin ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi dapat maging usapin ng pagpapalit ng liderato ang impeachment dahil obligasyon ng Senado na dinggin ito alinsunod sa Konstitusyon.