--Ads--

Ilang abogado ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema nitong Biyernes upang kasuhan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng indirect contempt kaugnay ng kanyang mga pahayag matapos ang desisyon ng Supreme Court hinggil sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, ang mga pahayag ni Sotto ay lumampas na sa lehitimong komentaryo at nagiging banta sa kredibilidad ng SC.

Kasama sa mga petitioner sina Atty. Manuelito Delos Reyes Luna, Harold Respicio, Mary Catherine Diaz Binag, at Virgilio Garcia.

Binanggit ni Topacio na sinabi ni Sotto na mas marunong pa ang isang first-year law student kaysa sa mga mahistrado ng SC.

--Ads--

Iginiit din ng senador na “na-amend” ang Konstitusyon sa paraang labag sa batas dahil sa umano’y judicial overreach.

Nilinaw ni Topacio na hindi nila layong patahimikin si Sotto, ngunit dapat itong masuri kung lumalabag na sa Rules on Contempt. Aniya, hindi sakop ng parliamentary immunity ang naturang mga pahayag.

Samantala, sinabi ni Luna na may mga online remarks si Sotto na “degrading, demeaning, at disrespectful” sa integridad ng SC.

Binanggit naman ni Respicio na noong 1949, ang lolo ni Sotto na senador din ay nakasuhan ng indirect contempt dahil sa kaparehong insidente—pagbatikos sa desisyon ng SC.

Kasama rin sa paghahain si dating Negros Oriental Representative Jacinto Paras, na nagpahayag ng suporta sa kaso.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang opisyal na tugon ni Senate President Sotto hinggil sa naturang petisyon.