--Ads--

Umaasa ang isa sa mga complainant sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na magpapatuloy pa rin ang proseso sa Senado sa kabila ng pagbabago ng liderato nito.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Kamara sa articles of impeachment matapos bumoto ang 255 kongresista pabor, 26 ang tumutol, at 9 ang nag-abstain, na nagresulta sa pagpapasa ng reklamo sa Senado bilang impeachment court.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay dating ACT Teachers Party-list Representative France Castro sinabi niya na ikinatuwa nila ang matagumpay na pag-usad ng impeachment sa Kamara.

Gayunman, aminado siyang may pangamba ang kanilang grupo dahil sa mga nangyayari sa Senado, kabilang ang pagbabago ng liderato at tinatawag niyang “drama” sa loob ng kapulungan, na maaaring makaapekto sa daloy ng impeachment proceedings.

--Ads--

Nanawagan naman si Castro sa mga senador na huwag maging bias at pairalin ang pagiging patas, integridad, at pagsunod sa Konstitusyon sa pagdinig ng kaso.

Giit niya, matitibay umano ang ebidensya laban sa Bise Presidente kaya naniniwala silang posibleng mahatulan ito ng pagkakasala at tuluyang matanggal sa puwesto sa oras na matapos ang paglilitis sa Senado.