Naging maayos at ligtas ang isinagawang konsiyerto kagabi bilang bahagi ng Gawagaway-yan Festival matapos ang pinaigting na seguridad at paghahanda ng mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, sinabi nito na umabot sa 100% ang deployment ng kanilang mga tauhan katuwang ang iba pang ahensya upang matiyak ang kaayusan ng programa.
Aniya, maaga pa lamang ay naipuwesto na ang mga Public Safety and Security personnel sa lugar habang ipinatupad din ang traffic scheme kabilang ang pagbabawal sa counterflow upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng sasakyan.
Naging maayos naman aniya ang kabuuang sitwasyon sa kabila ng dagsa ng mga manonood na dumalo sa konsiyerto na nagsimula bandang alas-6:00 ng gabi.
Upang matugunan ang kakulangan sa masasakyan ng ilang residente, nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at mga barangay officials upang magtalaga ng mga sasakyan na maaaring maghatid sa mga manonood pabalik sa poblasyon.
Ayon kay Mallillin, ginamit ang mga government vehicles gaya ng rescue trucks at iba pang sasakyan upang maisakay ang mga naglalakad na residente at maiwasan ang abala lalo na sa kakulangan ng mga tricycle.
Dagdag pa nito, mahigpit ding binantayan ang mga itinalagang terminal ng tricycle upang matiyak na tama lamang ang sinisingil na pamasahe at maiwasan ang pananamantala sa mga pasahero.
Sa kabuuan, naging maayos ang daloy ng seguridad at transportasyon sa isinagawang aktibidad, bagay na nagbigay-daan sa masayang pagdiriwang ng mga mamamayan sa kabila ng mainit na panahon.











