Kasama na ang mga pampublikong guro sa prayoridad ng gobyerno para sa abot-kaya ngunit de-kalidad na pabahay.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagdalo sa mass oath taking ng mga guro sa Western Visayas bilang bahagi ng kanilang promosyon.
Ayon sa Pangulo, sa tulong ng Department of Education (DepEd) at Pag-IBIG Fund, bibigyan ng priority access ang mga guro at iba pang DepEd personnel sa housing program ng pamahalaan.
Maglulunsad din aniya ng nationwide housing fairs upang mas mapabilis ang aplikasyon, kasama ang loan counseling at iba pang serbisyo para matulungan silang magkaroon ng sariling bahay.
Kinilala rin ng Pangulo ang sakripisyo ng mga guro at tiniyak ang patuloy na suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng mas magagandang benepisyo at programa para sa kanila.











