--Ads--

Dismayado ang Public Order and Safety Division o POSD Cauayan City sa mga nagbabaliktad at nagtatanggal sa signages sa mga lansangan sa lungsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na kawalan ng disiplina ang naturang gawain.

Aniya marami na silang naimbestigahan sa pagbabaliktad ng ilang katao sa mga signages tulad ng mga lasing at mga kabataan sa dis-oras ng gabi.

Nakukuhanan kasi ng CCTV Cameras ang ginagawa ng mga ito kaya natutukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

--Ads--

Isa sa mga nahuli ay itinapon pa sa kanal ang signage dahil sa kalasingan.

Ayon kay POSD Chief Mallillin mabigat na kaso ang pagsira sa government property tulad ng mga signages na inilalagay sa kalsada.

Mabuti na lamang aniya at may mga motoristang may malasakit at itinatayo ang mga itinumbang signages upang hindi magdulot ng aksidente.

Paalala niya sa publiko na ang nasabing mga signages o karatulang inilalagay sa kalsada ay malaking tulong sa mga motorista at hindi ito basta inilalagay lamang sa kalsada.

Kung tinatanggal o binabaliktad ang mga ito ay maaring magdulot pa ng aksidente dahil sa kalituhan ng mga motorista na hindi na nakita pa ang traffic signs sa kalsada tulad ng mga temporary na one way o no entry signages.