Muling iginiit ng Korte Suprema ng Pilipinas na maaaring managot ang mga corporate director, opisyal, at manning agency sa pagbabayad ng disability benefits ng mga seafarer.
Sa 10-pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez at inilabas ngayong Marso 2026, pinagbigyan ng SC Special First Division ang mosyon para sa partial reconsideration ng nauna nitong desisyon, kung saan ang manning agency at ang foreign principal lamang ang idineklarang mananagot sa disability benefits ng seafarer.
Alinsunod sa Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995, na inamyendahan ng Republic Act No. 10022, ipinahayag ng SC na ang fleet director ng manning agency ay solidarily liable rin—ibig sabihin, maaari siyang singilin para sa kabuuang halaga ng obligasyon.
Ipinaliwanag ng SC na bagama’t karaniwang hindi personal na mananagot ang mga corporate officer sa mga kontratang pinapasok ng korporasyon, maaari silang magkaroon ng personal na pananagutan kung malinaw itong itinatadhana ng batas.
Sa kaso, inirekrut ng manning agency ang seafarer bilang electrical fitter para sa foreign principal nito. Nang maaksidente siya habang nasa trabaho, pinauwi siya sa Maynila kung saan na-diagnose ng company-designated doctors na mayroon siyang rotator tendinitis.
Matapos sumailalim sa physical therapy at maabot ang maximum medical improvement, idineklara siyang fit to work. Gayunman, patuloy ang kanyang pananakit kaya humingi siya ng second opinion, at napag-alamang hindi na siya akma para sa sea duty.
Humiling ang seafarer ng opinyon mula sa ikatlong doktor alinsunod sa proseso, ngunit tumanggi ang manning agency at sa halip ay humingi lamang ng kopya ng ulat ng ikalawang doktor.
Dahil dito, nagsampa siya ng reklamo sa Labor Arbiter (LA) para sa disability benefits at reimbursement ng medical expenses. Pinaboran siya ng LA, ngunit binaligtad ito ng Court of Appeals. Sa huli, ibinalik at pinagtibay ng SC ang desisyon ng LA.
Ayon sa SC, nananatiling mananagot ang manning agency at ang foreign principal dahil hindi kumpleto ang isinagawang medical assessment.











