--Ads--

Humiling ng imbestigasyon sa National Bureau of Investigation ang beauty queen at aktres na si Michelle Dee kaugnay ng mga umano’y mapanirang post ni Xian Gaza at ilang Facebook page.

Sa kanyang affidavit, hiniling ni Dee sa NBI na imbestigahan ang mga kumakalat na post at tulungan siya sa pagsasampa ng kasong cyber libel laban kay Gaza. Ayon sa kanyang abogado, maraming lumabas na pekeng balita at mapanirang akusasyon laban sa aktres, kabilang ang alegasyong tumakas umano ito sa isang isyu. Iginiit ng kampo ni Dee na hindi nito kukunsintihin ang maling impormasyon at handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan.

Matatandaang isang lalaki ang nagpakilalang driver at personal assistant ng aktres na si Rhian Ramos ang nagsampa rin ng reklamo sa NBI laban kina Ramos, Dee at iba pa. Inakusahan umano siya na sapilitang dinala sa isang condominium unit at pinapaamin sa umano’y pagkuha ng angpao na may laman umanong sensitibong larawan, bagay na kasalukuyan ding sinusuri ng mga awtoridad.

Samantala, sa hiwalay na Facebook post, sinabi ni Gaza na estratehikong hakbang ang pagsasampa ng reklamo laban sa kanya at inilarawang ito ay bahagi ng damage control.

--Ads--