Muling nakasagupa ng mga tropa ng 50th Infantry Battalion ng Philippine Army ang tinatayang 10 natitirang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) sa Barangay Bonglo, Licuan-Baay, Abra.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ed Rarugal, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, Philippine Army, sinabi nitong ang engkuwentro ay bunga ng nagpapatuloy na hot pursuit operation laban sa mga natitirang miyembro ng makakaliwang armadong grupo sa lugar.
Ayon kay Rarugal, wala pang naitatalang nasugatan sa hanay ng militar sa kasalukuyan.
Nabawi rin ng mga sundalo ang ilang kagamitan na pinaniniwalaang pag-aari ng mga rebelde mula sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Tiniyak naman ng opisyal na magpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa mga natitirang miyembro ng ICRC hanggang sa tuluyan nang mabuwag ang grupo at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Cordillera Administrative Region.











