--Ads--

Arestado ang isang 28-anyos na lalaki na kabilang sa listahan ng Most Wanted Persons matapos masilbihan ng warrant of arrest ng mga awtoridad sa Barangay Rosario, Santiago City, kaugnay ng mga kasong Statutory Rape at pang-aabuso sa bata ngayong ika-walo ng Hunyo.

‎Isinagawa ang pag-aresto ng Joint Tracker Team ng Police Station 2, katuwang ang City Mobile Force Company (CMFC) at City Intelligence Unit (CIU) ng Santiago City Police Office.

‎Batay sa ulat, ang warrant of arrest ay inilabas noong Hunyo 2, 2026 ng Regional Trial Court, Branch 21, Santiago City para sa mga kasong paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Statutory Rape.

‎May inirekomendang piyansang ₱80,000 para sa kasong paglabag sa RA 7610 at ₱120,000 naman para sa kasong Statutory Rape.

‎Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek bilang residente ng Tapel, Gonzaga, Cagayan.

‎Ipinaalam umano sa kanya ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago siya isinailalim sa kustodiya ng Police Station 2 habang inihahanda ang kanyang pagharap sa hukuman na nagpalabas ng warrant.

‎Ayon sa Santiago City Police Office, bahagi ang operasyon ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person at iba pang indibidwal na may kinahaharap na kaso upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod.