Narekober ng Police Regional Office 2, katuwang ang Philippine Army, ang isang arms cache na naglalaman ng mga baril, bala at improvised anti-personnel mines sa Barangay Agaman Proper, Baggao, Cagayan kahapon, Agosto 26, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng 204th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company, PIT Cagayan South, RIU2, Baggao Police Station at 17th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Natuklasan ang arms cache sa isang mobility corridor na umano’y ginagamit ng Communist Terrorist Group o CTG, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang dating rebelde na kinilalang alyas “Romy.”
Kabilang sa mga narekober ang dalawang improvised anti-personnel mines, isang 12-volt battery, sampung piraso ng linked 7.62-millimeter ammunition, at mga kalawanging .45 caliber pistol, .38 revolver, 9mm pistol at 12-gauge shotgun.
Agad namang isinailalim sa seguridad ang lugar at humingi ng tulong ang mga operatiba sa PECU Cagayan para sa ligtas na pagrekober at wastong paghawak sa mga pampasabog.
Itinurn-over sa PECU Cagayan ang mga explosive ordnance para sa kaukulang disposal, habang nasa kustodiya naman ng 204th Maneuver Company ang mga baril at bala para sa dokumentasyon at disposisyon.
Ayon kay PRO2 Regional Director PBGen. Mariano C. Rodriguez, patunay ang pagkakarekober sa kahalagahan ng intelligence-driven operations at koordinasyon ng pulisya, militar at komunidad sa pagpigil sa paggamit ng mga nakatagong armas laban sa mamamayan at mga awtoridad.
Hinimok din ni Rodriguez ang mga natitirang miyembro at tagasuporta ng mga armadong grupo na piliin ang landas ng kapayapaan at samantalahin ang mga programa ng pamahalaan para sa kanilang pagbabalik-loob.







