Arestado ang isang Most Wanted Person na nahaharap sa kasong murder sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Purok 7, Brgy. Zone 2, San Mariano, Isabela bandang ala-1:10 ng hapon ngayong Marso 19, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jo,” 32-anyos, binata, miyembro ng Civilian Active Auxiliary at residente ng Brgy. Balagan sa nasabing bayan.
Isinagawa ang pag-aresto ng pinagsanib na puwersa ng San Mariano Municipal Police Station katuwang ang mga operatiba ng PIU-Isabela PPO, RIU PRO2, at 201st Maneuver Company ng RMFB2, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Marso 11, 2026 ng Regional Trial Court Branch 17 sa Ilagan City. Walang inirekomendang piyansa para sa kaso.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago ito dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at paghahanda sa pagsasampa sa hukuman.
Ayon kay Police Colonel Manuel B. Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, patunay ang pagkakaaresto sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa lalawigan. Aniya, patuloy nilang palalakasin ang kanilang operasyon upang matiyak na napapanagot ang mga lumalabag sa batas at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.











