Nananawagan ng tulong sa publiko ang isang empleyado matapos tangayin ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang motorsiklo na nakaparada sa gilid ng isang mall sa tapat ng terminal sa City of Ilagan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Arvin Mark Toribio, nanakawan ng motor, at residente ng Purok 5, Alibagu, City of Ilagan, sinabi niyang ipinarada niya ang kanyang Rider FI na kulay asul at orange na may plate number B992RG bandang alas-12:00 ng tanghali noong Hunyo 25 bago pumasok sa trabaho.
Ayon kay Toribio, pagsapit ng alas-4:25 ng hapon ay nakita pa niyang naroon pa ang kanyang motorsiklo nang siya ay mag-lunch break. Gayunman, nang lumabas siya bandang alas-6:56 ng gabi ay wala na ito sa pinagparadahan.
Aniya, una niyang inakala na pinagti-tripan lamang siya ng kanyang mga kaibigan kaya agad niyang pinasuri ang CCTV footage. Doon niya natuklasang tinangay ang kanyang motorsiklo sa likurang bahagi ng mall, batay sa kuha ng CCTV sa tapat ng Capital Arena.
Sa imbestigasyon, lumabas na dalawang suspek na sakay ng Yamaha NMAX Version 3 ang hinihinalang responsable sa pagnanakaw. Napansin din niyang kakaunti ang tao sa lugar nang mangyari ang insidente.
Nilinaw ni Toribio na hindi niya naiwan ang susi ng motorsiklo, ngunit aminado siyang hindi niya ito nai-lock dahil nagmamadali siyang pumasok sa trabaho.
Kaagad niyang iniulat ang insidente sa Philippine National Police para sa kaukulang imbestigasyon.
Sa ngayon, nananawagan si Toribio sa publiko na tulungan siyang mahanap ang kanyang motorsiklo dahil patuloy pa niya itong hinuhulugan at ginagamit niya ito bilang pangunahing sasakyan sa kanyang pagpasok sa trabaho.











