--Ads--

Isang makasaysayang paglalayag ang isinagawa ng mga kinatawan ng Tao people mula sa Lanyu o Orchid Island sa Taiwan matapos nilang marating ang lalawigan ng Batanes gamit ang tradisyunal na bangka, bilang bahagi ng cultural exchange na naglalayong buhayin muli ang mahigit 300 taong ugnayan ng dalawang isla.

Ayon kay Department of Tourism (DOT) Region 2 Director Dr. Troy Alexander Miano, ang pagbisita ng mga Tao people ay simbolo ng matagal nang pagkakaugnay ng mga mamamayan ng Lanyu at Batanes na may magkahawig na kultura, tradisyon, at wika.

Ipinaliwanag ni Dr. Miano na sa loob ng mahigit tatlong siglo, iisa ang pinagmulan ng kultura ng mga Ivatan at Tao people. Hanggang sa kasalukuyan ay kapansin-pansin pa rin ang pagkakatulad ng kanilang mga salita at tradisyon sa kabila ng pagkakahiwalay ng dalawang isla.

Dumating sa Batan Island ang mga delegado mula Lanyu sakay ng kanilang tradisyunal na bangka at dumaong sa bahagi ng Mahatao, isang lugar na nagsisilbing kanlungan ng mga bangkang pangisda tuwing may masamang panahon.

--Ads--

Ayon sa DOT, ang paglalayag ay may malaking simbolikong kahalagahan dahil ito ang unang pagkakataon matapos ang mahigit 300 taon na muling isinagawa ang tradisyunal na pagbisita sa pagitan ng dalawang isla gamit ang sinaunang paraan ng paglalakbay.

Nakatakda ring manatili sa Batanes ang mga delegado hanggang sa pagdiriwang ng Araw ng Batanes sa Hunyo 25 at 26, kung saan makikilahok sila sa iba’t ibang aktibidad na inihanda ng pamahalaang panlalawigan.

Bukod sa pagpapalalim ng ugnayang pangkultura, nakikita rin ng pamahalaan ang posibilidad ng pagpapalakas ng turismo at muling pagbubukas ng mga oportunidad para sa kalakalan sa pagitan ng dalawang lugar.

Aniya, bago pa dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay mayroon nang umiiral na ugnayang pangkalakalan sa pagitan ng mga pamayanan sa Batanes, Taiwan, Japan at iba pang bahagi ng Asya.

Nilinaw naman ng opisyal na ang pagbisita ng mga delegado ay hindi nangangahulugan ng pagbabago sa umiiral na immigration at visa policies ng Pilipinas at Taiwan.

Aniya, bagama’t visa-free ang pagbisita ng mga Pilipino sa Taiwan at vice versa sa ilalim ng umiiral na mga patakaran, kinakailangan pa ring sumunod sa tamang proseso ng pagpasok sa bansa. Dumaan pa rin umano sa kaukulang dokumentasyon at immigration procedures ang mga dumating na delegado mula Lanyu.

Samantala, umaasa ang DOT na magsisilbing daan ang makasaysayang pagbisitang ito upang higit pang makilala ang Batanes bilang isa sa mga pangunahing destinasyong panturismo sa bansa at mapalawak ang ugnayan nito sa mga karatig-bansa sa Asya.