Patuloy ang beripikasyon sa pagkakakilanlan ng tatlong nasawing rebelde matapos ang engkwentro ng pinagsanib na pwersa ng 50th Infantry “Defender” Battalion at 98th Infantry “Masinag” Battalion laban sa mga natitirang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) sa Abra.
Kinilala sa inisyal na impormasyon ang mga nasawi bilang sina alyas Chico/Abdul, dating kalihim ng KLG North Abra; Jhonie Davide Escobilla, dating opisyal ng KLG Baggas; at Eugene Hilaus alyas Aki/Ken/Dina, dating organizer ng Anakbayan Ilocos at Katribu Youth NCR.
Naganap ang engkwentro noong Agosto 4 kung saan narekober ng mga sundalo ang tatlong bangkay, dalawang M16 rifle, isang M14 rifle, at iba pang kagamitang pandigma.
Samantala, nagpapatuloy ang pagtunton sa mga kaanak ng mga nasawi upang maihatid ang kanilang mga labi at mabigyan ng maayos na libing.








