Maglalabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Nancy Dela Rosa, asawa ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, at sa iba pang mga indibidwal na huling nakasama ng senador bago umano ito umalis sa protective custody ng Senado.
Sa isang press briefing, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na kabilang sa pinag-aaralang padalhan ng subpoena ang asawa ng senador matapos itong magbigay ng pahayag online hinggil sa umano’y pagtakas ni Dela Rosa noong Mayo 13.
Ayon kay Matibag, inihahanda na ng NBI ang subpoena.
Ang hakbang ay kaugnay ng pagpapatupad ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa.
Nananawagan din umano ang asawa ng senador sa hudikatura na huwag payagang dalhin sa The Hague ang kanyang mister.
Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest dahil sa umano’y pagiging indirect co-perpetrator sa crimes against humanity na may kinalaman sa pagpatay mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.
Iginiit ni Matibag na nananatiling fugitive from justice si Dela Rosa at patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang matunton at maaresto ito.
Ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, nakita umano si Dela Rosa na umaalis sa gusali kasama si Senator Robin Padilla.
Itinanggi naman ni Padilla na tinulungan niyang makatakas si Dela Rosa at sinabi nitong nakisabay lamang umano sa kanya ang senador palabas ng Senado.
Nauna nang nagsagawa ng magkakasabay na operasyon ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at NBI sa apat na magkakaibang lugar upang isilbi ang arrest warrant laban kay Dela Rosa.









