Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes na may nakalap na umano silang mga “lead” sa posibleng kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, ngunit tumanggi silang maglabas ng detalye dahil patuloy pa ang imbestigasyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, posibleng may alam sa lokasyon ng senador si Senator Robinhood Padilla, na nauna nang nagsabing umano’y nagtatago si Dela Rosa matapos umalis sa Senado noong Mayo 14.
Hindi rin direktang sinagot ni Padilla kung tumulong siya sa pag-alis ng senador, sa gitna ng mga ulat na magkasama silang umalis sa Senado.
Si Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, ay may umiiral na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang dating anti-drug campaign.
Nanawagan ang NBI na harapin ng senador ang legal na proseso at sumuko sa bisa ng ICC warrant, kasabay ng pagbibigay-diin na nananatiling aktibo ito at patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad.











