--Ads--

Isasailalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa full alert status ang buong puwersa nito simula Huwebes ng hapon, Hulyo 24, bilang bahagi ng paghahanda para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gaganapin sa Hulyo 27.

Sa ilalim ng full alert status, inaatasan ang lahat ng pulis at mga kagamitan ng NCRPO na maging ganap na handa at available para sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad.

Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin, mahigit 21,000 tauhan ang ipakakalat sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, na susuportahan pa ng karagdagang 3,000 pulis mula sa Bicol Region at Cagayan Valley Region.

Sakop ng deployment ang Batasang Pambansa Complex, mga pangunahing lansangan, transport terminals, border control points, mga itinalagang lugar para sa mga kilos-protesta, mga gusali ng pamahalaan at iba pang mahahalagang lugar sa National Capital Region.

--Ads--

Tinatayang 11,000 pulis naman ang itatalaga sa mga lugar na malapit sa Batasang Pambansa upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa mga pampublikong pagtitipon sa araw ng SONA.

Tiniyak ni Aberin na ang lahat ng operasyong pangseguridad ay isasagawa alinsunod sa batas, paggalang sa karapatang pantao, at karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag.

Samantala, ipatutupad din ang pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada at traffic rerouting sa mga lugar na malapit sa Batasang Pambansa at iba pang pangunahing ruta. Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na bantayan at sundin ang mga traffic advisory na ilalabas ng NCRPO at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).