--Ads--

Nanawagan ang Provincial Consultant for Senior Citizens ng Isabela na agad ipatupad ang ₱1,000 social pension para sa lahat ng senior citizen, kasunod ng panukalang itaas ito sa ₱2,000.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ruben Tumbaga, Provincial Consultant for Senior Citizens, sinabi niyang mas mainam umanong maipatupad agad ang ₱1,000 pension kaysa maghintay pa ng ilang taon para sa mas mataas na benepisyo.

Ayon kay Tumbaga, marami pa ring kwalipikadong senior citizen ang hindi nakatatanggap ng social pension kaya dapat munang maayos na maipatupad ang mga umiiral na batas at programa bago magpatupad ng panibagong batas.

Kinuwestiyon din niya ang kasalukuyang proseso ng pagpili ng mga papalit na benepisyaryo batay sa datos ng Community-Based Monitoring System o CBMS, dahil may mga napipili umanong mas may kakayahang pinansyal kaysa sa ibang nangangailangan.

--Ads--

Para kay Tumbaga, dapat muling magkaroon ng papel ang mga barangay sa pagrerekomenda ng mga benepisyaryo dahil mas alam ng mga lokal na opisyal ang kalagayan ng mga senior citizen sa kanilang lugar.Iginiit din niyang tiyaking walang dobleng benepisyo at hindi mapipili bilang bagong benepisyaryo ang may iba nang pension upang mapunta ang social pension sa mga tunay na nangangailangan.