--Ads--

Nagsimula nang magbenta ng aning palay ang ilang magsasaka sa lungsod ng Cauayan sa kabila ng kakulangan ng espasyo sa bodega ng NFA Cauayan at NFA Luna.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ronald Acosta, House Supervisor ng NFA Cauayan at Luna, bagaman hindi pa aniya sapat ang espasyo ng kanilang bodega ay kina-clasify pa rin nila ang moisture content ng palay.

Ngayong linggong ito ay may mga nagtungo na sa NFA Cauayan na nagpakita ng sample at planong magbenta ng kanilang ani sa naturang opisina. Bagaman fully occupied pa rin ang bodega ng NFA Cauayan at Luna dahil hindi pa nababawasan ang mahigit 24,000 na sakong palay na nabili noong nakaraang anihan, tinatanggap pa rin nila ang ibinebenta ngunit sa ibang malapit na NFA na ito dadalhin.

Sa ngayon ay marami pa rin ang nagtatanong sa tanggapan kung paano magbenta ng palay lalo pa at 23 pesos pa rin ang presyo ng dry at 18 pesos naman sa sariwa. Paglilinaw naman ng NFA, hindi lahat ng farmer ay pwedeng magbenta sakanila, tanging ang mga myembro lamang aniya ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

--Ads--

Ipinaliwanag pa ng tanggapan na dapat maunawaan ng mga farmer na kapag naideliver na nila ang palay, dapat naman nilang hintayin kung kailan nila makukuha ang pera o cheque na bayad ng kanilang ani. Kadalasan naman aniya ay hindi nagtatagal ng isang oras ang proseso ng pagkuha ng bayad ngunit minsan ay umaabot din ng ilang oras dahil sa dami ng mga nagbebenta sa NFA.