Maaaring pormal nang ipatupad ng Senado ang “no-work-no-pay” rule para sa mga senador na lumiliban nang walang pahintulot, kasunod ng matagal nang pagliban ni Senator Ronald dela Rosa, ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon sa Senador, marami sa mga kasamahan nito sa Senado ang pabor na amyendahan ang rules ng Senate upang maging opisyal ang pagsususpinde o pagtigil ng suweldo ng mga senador na may unauthorized absence.
Sinabi ni Lacson na bagama’t kusang hindi tumatanggap ng suweldo at allowances si dela Rosa mula nang magsimula ang kanyang pagliban noong Nobyembre 2025, dapat ay may pormal na kautusan para rito, kabilang ang pagsulat sa Land Bank at Treasury.
Maliban sa ilang araw noong Mayo, hindi na pumasok sa Senado si dela Rosa, na kasunod ng paglabas ng arrest warrant laban sa kanya ng International Criminal Court.
Samantala, sinabi ni Lacson na hindi pa agad maisalang sa ethics hearing ang usapin dahil sa hectic na iskedyul ng Senado, kabilang ang paghahanda sa 2027 national budget at paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.










