--Ads--

Hiniling ng prosekusyon sa Senate Impeachment Court na pahabain ang oras ng pagdinig o magdagdag ng mga araw ng paglilitis upang mapabilis ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Ayon kay House impeachment panel spokesperson Ace Barbers, kailangan nang mapabilis ang takbo ng paglilitis dahil naiinip na umano ang publiko sa usad ng kaso.

Sinabi ni Barbers na nabawasan ang mga araw ng pagdinig dahil sa mga suspensyon dulot ng masamang panahon at mga isyu sa iskedyul ng ilang testigo.

Iminungkahi rin niya na isagawa muna ng mga senador ang kanilang legislative work mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon bago ituloy ang impeachment trial sa mga susunod na oras ng araw.

--Ads--

Upang mapabilis pa ang proseso, sinabi niyang pinag-aaralan ng prosekusyon na bawasan ang bilang ng kanilang mga testigo kung magkakapareho lamang ang mga impormasyong ilalahad ng mga ito.

Ayon kay Barbers, mahalagang mapanatili ang interes ng publiko sa paglilitis dahil marami na umanong nahihirapang subaybayan ang mga teknikal at legal na usapin na tinatalakay sa pagdinig.

Dahil dito, nanawagan siya sa media at mga social media content creator na gawing mas simple at madaling maintindihan ang pagpapaliwanag sa mga pangyayari sa impeachment trial upang mas marami ang makasubaybay at makakaunawa sa proseso.