--Ads--

Ibinunyag ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na may hindi bababa sa P500 milyon na “leadership fund” para sa bawat senador, habang maaaring umabot sa P1 bilyon ang alokasyon para sa mga chairperson ng malalaking komite.

Inihayag ito ni Bonoan sa kanyang testimonya bilang prosecution witness sa Sandiganbayan Third Division nitong Miyerkoles, Agosto 12, kaugnay ng kasong malversation laban kay dating Senador Bong Revilla.

Ayon kay Bonoan, ang leadership fund ay inilaan para sa mga priority project ng mga senador sa ilalim ng budget ng DPWH. Aniya, nakipag-usap siya kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri tungkol sa mga patakaran at threshold para sa naturang pondo.

Sinabi ni Bonoan na si Revilla, na chairman noon ng Senate Committee on Public Works, ay nakinabang din sa leadership fund para sa fiscal year 2024-2025 at nagsumite ng listahan ng kanyang mga priority project sa pamamagitan ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.

--Ads--

Nang tanungin kung ilang senador ang nakinabang sa leadership fund para sa fiscal year 2025, sinabi ni Bonoan na lahat ng senador, maliban kay Senador Panfilo Lacson, ay kumuha nito batay sa mga rekord.

Ayon pa sa dating DPWH chief, unang nilikha ng ahensya ang leadership fund noong 2024 matapos mapansin ang malaking budget cuts noong 2023. Ang mga proyekto ay isinusumite ng DPWH sa Department of Budget and Management para maisama sa National Expenditure Program.

Samantala, pinabulaanan ni Zubiri ang pahayag ni Bonoan na nasa kanyang diskresyon ang P24 bilyong leadership funds. Iginiit niyang hindi siya humawak ng listahan ng project requests ng mga senador at lahat ng kahilingan ay dumadaan sa Senate Committee on Finance.