--Ads--

Patuloy ang koordinasyon ng National Public Transport Coalition o NPTC sa mga tsuper at operator na naapektuhan ng malakas na lindol sa bahagi ng Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng NPTC, sinabi niya na ilan sa mga natukoy nilang pangangailangan ng mga ito ang tubig at pagkain.

Aniya nakaipon na ang kanilang grupo ng pondo para sa pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol kung saan may nauna na silang naipamahagi na P25,000 na tulong sa nakalipas na araw.

Laking pasasalamat naman nila sa mga nagbibigay at tiniyak niya na ito ay mapupunta sa mga nangangailangan.

--Ads--

Aniya maraming tricycle drivers ang nasira ang tirahan at natigil sa pamamasada dahil sa pagsasaayos sa mga pansamantala nilang titirhan kaya kailangan nila ng tulong tulad ng pagkain at tubig dahil nawalan din ng tustos ng tubig ang ilang lugar matapos masira ang linya.

Muli naman siyang nanawagan sa pamahalaan para sa agarang tulong sa mga apektadong residente.

Mungkahi niya sa mga mambabatas na iwasan na muna ang politika at ituon ang pansin sa pagtulong sa mga biktima upang sila ay agad na makabangon.