--Ads--

Pabor ang National Public Transport Coalition (NPTC) sa hakbang ng Land Transportation Office (LTO) na hulihin ang mga motorista na gumagamit ng improvised o replica na plaka na walang kaukulang awtorisasyon.

Ngayong Setyembre 1 ay pormal nang sinimulan ng LTO ang nationwide crackdown laban sa mga sasakyang gumagamit ng iligal na plaka. Ang mga mahuhuling lalabag ay pagmumultahin at maaaring ma-impound ang kanilang mga sasakyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niyang may ilang motorista na napilitang magpagawa ng sariling plaka dahil sa naging problema noon ng LTO sa paglalabas ng mga opisyal na plaka.

Gayunman, dahil unti-unti nang naipamamahagi ng LTO ang mga orihinal na plaka, sinabi niyang nararapat nang itigil ang paggamit ng mga improvised plates.

--Ads--

Pinayuhan din niya ang mga motorista na magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO upang kunin ang kanilang opisyal na plaka. Kung hindi pa ito available, maaari umano silang humingi ng sertipikasyon o awtorisasyon na magpapahintulot sa pansamantalang paggamit ng improvised plate.

Ayon kay Lim, nagpalabas na ang NPTC ng memorandum na humihikayat sa kanilang mga miyembro na ayusin ang kanilang mga plaka at iba pang dokumento. Hinimok din niya ang mga pribadong motorista na tiyaking kumpleto at maayos ang kanilang mga papeles upang makaiwas sa anumang aberya at parusa sa ilalim ng ipinatutupad na operasyon ng LTO.