--Ads--

Pinatitibay ng Office of Civil Defense Region 2 ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan sa Cagayan Valley laban sa mga sakuna, lalo na sa banta ng bagyo at malakas na lindol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Albert Mogol ng OCD Region 2, sinabi niya na umiikot siya sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa rehiyon upang personal na suriin ang antas ng kahandaan ng mga ito sa pagtugon sa kalamidad.

Ayon kay Mogol, prayoridad ng kanilang tanggapan ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga local disaster risk reduction and management officers sa pamamagitan ng serye ng mga pagsasanay upang makabuo ng mas maraming trainers at responders sa mga komunidad.

Kasabay nito, isinusulong din ng OCD ang pagsasagawa ng infrastructure audit upang masuri ang integridad ng mga gusali at iba pang imprastraktura at agad na maisagawa ang kinakailangang engineering interventions bago pa man tumama ang isang malakas na lindol.

--Ads--

Bukod dito, pinag-iigting din ng ahensya ang pagpapalawak ng regional warehouses upang matiyak na nakahanda at naka-preposition na ang mga suplay at kagamitan sa oras ng sakuna.

Sinabi pa ni Mogol na sa kabuuan ay handa ang rehiyon pagdating sa komunikasyon at mga kagamitan, at mayroon ding sapat na disaster response equipment ang OCD. Aniya, kamakailan lamang ay inaprubahan na ang kahilingan ng lalawigan ng Quirino para sa pitong rubber boats at pitong generator sets upang higit pang mapalakas ang kakayahan nito sa pagtugon sa mga emergencies.

Muli namang nanawagan ang opisyal sa publiko na makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at maging handa sa lahat ng pagkakataon.