--Ads--

Nagkasa ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y panloloko sa ilang Information Technology Systems projects na pinondohan ng bilyun-bilyong piso ng pamahalaan.

Ayon kay Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, nadiskubre ng Ombudsman ang tinaguriang “ghost internet scheme” na umano’y may kinalaman sa mga proyektong IT systems na kinakailangan ng mga ahensya ng gobyerno.

Ipinaliwanag ni Clavano na sumasailalim sa pagsusuri ang ilang hardware gaya ng routers at iba pang makina, ngunit hindi umano ganoon kahigpit ang inspeksyon sa mga software na kasama sa mga proyekto.

Dito aniya maaaring pumasok ang loophole, kung saan posibleng gumamit ang kontraktor ng mas mura, outdated o hindi tunay na software, ngunit buong halaga pa rin ang sinisingil sa pamahalaan.

--Ads--

Sinisiyasat din ng Ombudsman ang posibilidad ng overpricing sa mga software na umano’y nakakalusot dahil sa kakulangan ng pagsusuri at monitoring.

Ayon kay Clavano, magiging sentro ng fact-finding investigation ang Department of Information and Communications Technology o DICT.

Kabilang sa nais umanong matukoy ng Ombudsman kung gumagana ba ang mga koneksyong inilagay alinsunod sa kontrata at kung makatwiran ang presyo ng mga hardware at software na ginamit sa proyekto.

Tinitingnan din kung sinu-sino ang nag-apruba, nagsertipika at nagbigay ng pahintulot para sa pagbabayad sa mga proyektong maaaring hindi naman na-deliver o naipatupad alinsunod sa napagkasunduan.

Samantala, “no comment” muna ang DICT kaugnay ng isyu.

Hindi naman idinetalye ni Clavano ang mga partikular na proyektong iniimbestigahan dahil nasa fact-finding stage pa umano ang kaso.