Nasawi sa isang aksidente sa kalsada ang isang opisyal ng Department of Science and Technology (DOST) Region 2 matapos ang insidente sa bahagi ng Baresbes, Quezon, Nueva Vizcaya noong nakaraang linggo.
Ang biktima ay kinilalang si Mark Gil S. Hizon, 48-anyos, na nagsisilbing Supervising Science Research Specialist ng ahensya.
Batay sa ulat, sakay si Hizon ng service vehicle ng DOST nang mangyari ang aksidente matapos umanong mawalan ng kontrol ang minamanehong SUV sa isang paliko at pababang bahagi ng kalsada. Dahil dito ay nahulog at bumaliktad ang sasakyan.
Agad na isinugod sa ospital si Hizon ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan. Samantala, nagtamo naman ng sugat ang iba pang sakay ng sasakyan.
Bumuhos ang pakikiramay mula sa iba’t ibang sektor sa pamilya ng nasawi habang patuloy nilang hinaharap ang pagdadalamhati sa biglaang pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.
Napag-alaman din na kamakailan lamang ay ipinagdiwang ni Hizon ang kanyang ika-48 kaarawan noong Marso 7, ilang araw bago naganap ang malagim na aksidente.











